FIELD VALIDATION NG FLOOD CONTROL STRUCTURE ALONG AGOS RIVER

Setyembre 15, 2022
Matapos ang pulong kasama ang DPWH-BOE kaugnay ng dredging activity sa Ilog Agos ay nagtungo naman ang LGU Infanta Agos River Dredging Plan Technical Working Group sa bahagi ng ilog sa may bandang Banugao-Pilaway upang magsagawa ng Field Validation sa isinasagawang Flood Control Dike sa pamamahala ng DPWH Quezon 1st District Engineering Office. Kasama ng Technical Working Group ang mga representante mula sa DPWH Regional Office at DPWH Quezon 1st DEO.
Sa nasabing validation ay mariin na ipinabatid ng LGU Infanta sa DPWH ang kahalagahan na maisara ang bahagi ng dike na nasira upang masiguro na hindi na ito mapapasukan ng tubig sa oras na magkaroon ng mga pagbaha bunsod ng mga pag-ulan o pagbagyo. Matatandaan na dahil sa sirang parte na ito ng istruktura kung kaya’t mabilis na nakapasok sa kabayanan ng Infanta ang tubig-baha noong mga panahon ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Bukod pa rito ay binanggit din ng grupo sa mga nagvavalidate na importanteng matapos na itong proyektong ito sa lalong madaling panahon sapagkat ito naman ay lampas na sa itinakdang petsa ng completion nito.
Matapos ang field validation ay nag-ulat ang grupo sa ating Punong Bayan at dito ay naglatag ng mga susunod na gawain kaugnay ng mga nasabing mga proyekto.
#MabuhayKaInfanta
#ForGReAterInfanta

Tags: