KALIWA DAM Public Hearing

Noong Miyerkules, Agosto 28, 2019 ay isinagawa ang Public Hearing sa Chateau de Marinero, Brgy. Comon, Infanta, Quezon hinggil sa aplikasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa Environmental Compliance Certificate (ECC) ng New Centennial Water Source- Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP). Sa nasabing aktibidad ay mahinahon ngunit masidhing ipinahayag ng ating Punong Bayan Filipina Grace R. America, na nagpapasakop siya sa National Government ngunit pananagutan niya bilang punong bayan na ilahad ang mga hinaing ng mga mamamayan ng Infanta na silang nagbigay ng mandato sa kaniya. Ang Pamahalaang Bayan ng Infanta, Quezon ay nananatili pa rin ang paninindigan sa pagtutol sa NCWS-KDP ng MWSS. Ito ay batay sa pinagtibay na kapasiyahan ng Municipal Development Council ng bayang ito.

Binigyang-diin niya, na gaya ng sinabi niya nang nakaraang buwan sa pulong sa Camp Capinpin, na hindi ibig sabihin na ikaw ay tumututol o oppositionist sa konstruksiyon ng Kaliwa Dam ay leftist o makakaliwa ka na.

Ayon pa sa kaniya, “nawa ang public hearing na ito ay isagawa hindi upang maka-comply lamang ang proyekto ng MWSS at DENR sa mga proseso na kailangang pagdaanan at nawa ay hindi band-aid solutions para malapatan ng pansamantalang lunas ang mga hinaing ng mga mamamayan ang maging rekomendasyon. We are hoping na ang issues na narinig dito ay pag-aralan ng DENR at tingnan ang makabubuti para sa lahat…”

Tungkol sa sinabi na mas marami ang nangangailangan ng tubig sa Metro Manila, sinabi niya na nakasulat sa Bibliya, kahit isang tupa ang nawawala, iniiwan ang marami at ang nawawala ay hinahanap. “Everyone one is counted, everyone is important.”

Dagdag pa niya “sana ang public hearing na ito ay maging daan na ang maging aksiyon ng DENR –Environmental Management Bureau (EMB) ay para sa kapaburan ng lahat, hindi lang ng Maynila, kundi pati ng bayan ng Infanta.”

Tags: