Pagkonkreto ng Brgy. Anibong, Amolongin at Binonoan barangay roads sinimulan na

Sinisimulan na ang pagkonkreto ng mga barangay roads sa tatlong barangay ng Anibong, Amolongin at Binonoan, bayan ng Infanta, Quezon. Ginanap ang Ground Breaking Ceremony na pinangunahan ni Punong Bayan Filipina Grace R. America noong ika-11 ng Enero, 2018 sa boundary ng Brgy. Anibong at Binonoan. Ang nasabing seremonya ay dinaluhan din ni Halig Punong Bayan Noli H. Villamor kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga LGU Department Heads, ni Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Alely P. Ditalo ng Department of the Interior and Local Government (DILG), at ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay ng mga nabanggit na lugar sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay na sina PB Lauro O. Poblete ng Brgy. Anibong, PB Elmer M. Mortiz ng Brgy. Binonoan at PB O.I.C. Iflora P. Porqueriño ng Brgy. Amolongin. 

Ang proyektong pagkonkreto ng barangay road ay kabilang sa nabigyan ng pondo ng DILG sa ilalim ng programang Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM) na dating tinatawag na Bottom-up Budgeting (BuB) na nagkakahalaga ng Php 18,260,000 para sa taong 2017. Ito ay isa sa mga pangunahing proyekto ng Punong Bayan sa kanyang termino na inaasahang magiging malaking tulong sa mga mamamayan ng mga nasabing barangay para sa mabilis na transportasyon at pagdadala ng kanilang mga produkto sa Pamilihang Bayan. 

Ang naturang barangay road ay may habang 3.2 kilometro at 8 metro ang luwang. Buhat sa 8 metro, ang 4 na metro ay magiging mismong kalsada o pavement at tig 2 metro ang nakalaan para sa tigkabilang daanan ng tao o sidewalk. Sa kanyang mensahe sa idinaos na programa, sinabi ng Punong Bayan na mapalad ang tatlong barangay na sa kanila nailaan ang pondo ng ADM dahil sa kanilang pagtanggap sa hamon na kailangang maglaan ng malawak na kalsada para sa gagawing proyekto. Base sa cadastral map ay kailangan 10 metro ang ilalaan para rito kung kaya maraming pribadong lupa at bakuran ang maaapektuhan at masisira. Subalit sa kabila nito ay tinanggap ng mga taga-baranggay ang hamon at tiningnan nila ang magandang maiidulot ng proyekong ito sa kanilang lugar.