Kasaysayan ng Barangay Noong unang panahon, ang bayan ng Infanta ay tinatawag na bayan ng Malaya, hanggang sa dumating ang kapanahunan ni Nunong Karugtong, ito ay binago ang pangalan. Buhat sa Malaya ginawa itong Binangonan del Ampon. Nang dumating naman ang mga Kastila, muli ay pinalitan ang pangalan nito ang Binangonan del Ampon ay naging Infanta sa karangalan ng Infant Jesus. Sa panahong ito ng mga Kastila, dito napasimula ang Barangay Comon. Ito ay dating isang magubat na lugar sa pagitan ng dalawang ilog, ang Balucanag at Kuwago ang mga pangalang itinawag sa lugar na ito. Minsan ay tinawag din itong Tayabas, subalit nang dumating ang mga kastila ay naiba ang pagkakilala at pagtawag dito. Sapagkat ang lugar na ito ang kagubatang malapit sa kabayanan kaya´t dito pinatatapon ng mga kastila ang kanilang alipin ang kanilang mga basura at dumi, kung saan sa kanilang lenguwahe, ang tapunan ng basura at dumi ay tinatawag nilang comon. Kaya´t sa tuwinang sila ay nagpapatapon sinasabi nilang itapon sa comon. Tumagal ang panahon at sa pagsalin-salin, ay naging kilala na ang lugar na ito sa tawag na Barangay Comon. Kaya noong panahon ni Takoko at ni Ginoong Enriquez na isang Kastila, taong 1911, pormal na ipinahayag na ang lugar na ito ay tawaging Barangay Comon. Heograpiya at Lokasyon Ang Barangay Comon ay may kabuuang sukat na 172 ektaryang pantayaning lupa na may mga klasipikasyong komersiyal, industriyal, agrikultural, institusyonal, at residensyal. Nabibilang ang Comon sa urbanisadong barangay ng Infanta at ito´y may pitong purok. Ang Purok Rosal, na may sukat na 202,215 sq. m.; ang Ilang-Ilang, na may sukat na 250,000 sq. m.; Waling-waling, na may 710,000 sq. m.; Dahlia, na may 60,600 sq. m.; Gumamela, na may 96,842 sq.. m.; Sampaguita, na may 100,337 sq. m.; at, ang Purok Rose na may 300,000 sq. m. Nasa pagitan ito ng dalawang sapa, ang Balucanag sa Silangan at Kuwago sa Kanluran. Ang kahangganan ng Comon ay ang mga barangay ng Ilog at Poblacion 38 sa Norte; mga barangay ng Batican, Amolongin at Agos-Agos sa Hilaga; sa Silangan naman ay ang mga barangay Miswa, Lual, Bacong at Anibong; at, ang Pilaway at ang ilang bahagi ng ilog sa bahaging Kanluran. Sa kasalukuyan, ito ay tinatawag na "mata ng bayan", sapagka´t ang kahabaan nito na nasa tabi ng National Highway ay siya nang dulo upang masapit ang kabayanan ng Infanta. Ito rin ang extension upang sa expansion ng komersyo at industriya ng bayan ng Infanta. Ang pinakasentro ng Barangay Comon, na kung tawagin ay kanto, ang tanging daaan patungong bayan ng Heneral Nakar. Lahat ng magpupunta sa naturang bayan ay tiyak na dadaan dito. |